Hakbang, Sulong Kabataan Tungo Sa Kasaganaan

Byahe tungo sa makabago, iyan ang tugon sa mas mausisa na paghahanap ng solusyon sa larangan ng edukasyon. Isang batang nakatuon ang puso sa pagkatuto, dala-dala ang mas matibay nitong sandata upang sa panahong lumabas na ito sa lagusan tungo sa reyalidad ay maitatawid ang sarili at lubos na magamit at mapabuti ang kakayahan nito. Ang laban nito’y hanggang dulo kaya, kinakailangang bawat isa ay kapit-kamay sa pagtulong-tulong. Isusulong at ilalaban ang pangarap ng kabataan

Sa likod ng bawat kabataang kumikinang ay may pinagmumulang kaliwanagan. Sa bagong kurikulum na ipinatupad sa taong panuruan 2026-2027 ng Department of Education na nasa ilalim ng Deped Order No. 017 series of 2026 o ang Strengthened Senior High School (SSHS) Curriculum. “Layunin ng repormang ito na gawing higit na tumutugon, makabuluhan, flexible, at angkop ang senior high school sa hinaharap sa landas ng ating mga mag-aaral”, ito ay Ayon kay Adonis C. Bayron, ang Senior High Schoool Curriculum Head ng Koronadal National Comprehensive High School patungkol sa mas pinatibay na Senior High School kurikulum. 

“Kailangan nating gawing makabuluhan ang bawat asignatura, bawat gawain sa silid-aralan, at bawat karanasan sa pagkatuto para sa kinabukasan ng ating mag-aaral”. Sa panimulang mensahe ni Bayron sa nangyaring Mini Press Conference nitong Sabado, Setyembre 5, 2026 sa KNCHS-SHS ay ibinahagi niya ang isa sa kahalagahan ng pagpapaigting ng Strengthened Senior High School Curriculum kung saan ang bawat mag-aaral ay mayroong partikular na mga asignaturang nakaangkla sa propesyong nais nilang tahakin. 

Alab ng puso at pursigidong kalooban ang bala ng ating mga taga-lingkod bayan. Karagdagang mensaheng ipinaabot ni Bayron ang katagang, “Naniniwala tayo na ang dekalidad na pagtuturo ay nagsisimula sa kahandaan ng kaguruan” kung saan binigyang-diin nito ang mga aksyon katulad ng paglalagay ng lesson plan ng mga guro sa likod ng silid-aralan sa bawat oras ng pagtuturo. Sa simpleng larawang ipininta ay natatanaw at nababatid ang diwa ng pagkatuto ng mag-aaral lalong lalo na ang kahandaan ng mga guro. Ito’y simple ngunit nagbibigay ito ng makabuluhang mensahe para sa lahat. 

Sinubok man ng panahon ay handang sumuong sa siguradong plano at aksyon. Bawat marka’y sinusundan hanggang maabot ang solusyong inaasam-asam. Panahon man na minsa’y galit o nanlalamig ay may pagtugon ang senior high school sa pamamagitan ng school-based innovation schedule, ito ay ayon sa isinalaysay ni Bayron patungkol sa inobasyon ng KNCHS-SHS sa pag-aangkop sa iskedyul sa panahon ng matinding init. Layon nitong mapangalagaan ang kapakanan ng mga mag-aaral at kaguruan lalong lalo na’t ipinagtibay nito na hindi kinakailangang pumili sa pagkatuto at kaligtasan bagkus, nararapat na patuloy na umaagos ang karunungang hindi madudugtungan at madidiktahan ng anumang kahirapan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *